Part 7 - "He Descended to Hell, the Third Day He Rose Again From the Dead"

The Apostles' Creed  •  Sermon  •  Submitted
0 ratings
· 35 views
Notes
Transcript
Sermon Tone Analysis
A
D
F
J
S
Emotion
A
C
T
Language
O
C
E
A
E
Social
View more →

Introduction

Mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo. Dito nakasalalay ang buhay mo. Malaki ang epekto nito sa buhay mo. Kaya natin pinag-aarala ang Apostles’ Creed. Halimbawa, magse-share ka ng gospel sa kapitbahay mo, paano ka makakasigurado na siya na spiritually dead ay sasampalataya kay Jesus kung marinig niya ang gospel sa ‘yo? E patay nga ‘yan, di ba? Sa pagdidisciple natin sa mga members ng church na gusto nating matulungan na mapagtagumpayan ang pakikipaglaban nila sa kasalanan, nasaan ang kumpiyansa natin na sila ay magpapatuloy sa pananampalataya hanggang wakas? Ganun din sa sarili nating mga struggles sa kasalanan, saan manggagaling ang lakas na kailangan natin para magbago at maging tulad ni Cristo? Sa mga sufferings na nararanasan mo ngayon, paano ka makatitiyak na lahat ‘yan ay gagamitin ng Diyos para sa ikabubuti mo, tulad ng pangako ng Diyos? Sa kamatayan, paano ka makatitiyak na merong buhay pagkatapos nito?
Ang sagot sa mga tanong na ‘yan ay nakakabit kay Cristo at sa kanyang gawa. Kaya napakahalaga ng pinag-aaralan natin sa Christology ng Creed. Natapos na natin yung tungkol sa kung sino siya—the person of Christ: “And in Jesus Christ, his only begotten Son, our Lord.” Then, nasimulan na rin nating pag-aralan yung tungkol sa bahagi ng kanyang gawa—the work of Christ—na may kinalaman sa kanyang “humiliation” o pagpapakababa: “Who was conceived by the Holy Spirit, born of the Virgin Mary; suffered under Pontius Pilate; was crucified, dead and buried.” Nagpakababa siya, sa kanyang pagiging tao, sa kanyang pagiging anyong alipin, sa kanyang kamatayan sa krus at sa paglilibing sa kanya, para bigyan tayo ng buhay at ng kaligtasan.
Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya bilang tao. At nang siya'y maging tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. (Phil. 2:6-8 MBB)
O sa sagot ng Question 49 ng Westminster Larger Catechism (“How did Christ humble himself in his death?”): "Christ humbled himself in his death, in that having been betrayed by Judas, forsaken by his disciples, scorned and rejected by the world, condemned by Pilate, and tormented by his persecutors: having also conflicted with the terrors of death, and the powers of darkness, felt and borne the weight of God’s wrath, he laid down his life an offering for sin, enduring the painful, shameful, and cursed death of the cross.
Alalahanin mo palagi kung ano ang hirap na dinanas niya para iligtas ka.
Ngayon naman, titingnan natin ang bahagi ng Creed na siyang dulo o pinakamababa sa kanyang pagpapakababa, at yung pasimula naman ng pagtataas sa kanya ng Diyos: “He descended into hell; on the third day he rose again from the dead.” Sa Tagalog, “Bumaba siya sa impiyerno; sa ikatlong araw ay muling nabuhay mula sa mga patay.” Sa Latin, “Descendit ad inferna; tertia die resurrexit a mortuis.”
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. (Phil. 2:9-11)
‘Yan naman ang ultimate goal ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo—para sambahin natin siya, para i-confess natin, “Jesus is Lord,” para maparangalan ang pangalan ng Diyos ng lahat ng kanyang nilikha, kasama ka, kasama ako, kasama tayong lahat.
Mas magiging matayog ang pagsamba natin sa kanya kung mas maiintindihan natin yung sakit at dusa na dinanas niya nang siya ay mamatay. Yun ang ine-express ng controversial line na ito sa Creed: “he descended into hell.”

Jesus’ “descent to hell”

Itong phrase na ‘to ay hindi kasama sa mga older versions ng Creed, pero pagkatapos nung 5th century ay matatagpuan na sa mga Latin creeds, gaya ng sabi ni Rufinus na maaaring simula pa AD 390 (Philip Schaff, The Creeds of Cristendom, 2:45). Wala rin ito sa Nicene Creed (AD 325, 381) na nakabased at expanded version ng Apostles’ Creed: “He suffered and was buried; and the third day He rose again, according to the Scriptures.” Pero nandun na sa 5th century Athanasian Creed: “Who suffered for our salvation, descended into hell, rose again the third day from the dead.”
Isa lang ‘yan sa mga reasons kaya controversial ‘to. Kaya yung ibang grupo, tinatanggal yung line na ‘to sa version nila ng Creed. Pero dahan-dahan tayo bago gawin yun, kasi for the last 1,500 years kasali ‘to sa confession ng maraming mga Christian churches. So dapat intindihin natin kung bakit.
Yung iba naman mino-modify. Kasi ‘pag sinabing “hell” ang agad naiisip natin ay yung lugar kung saan paparusahan ang lahat ng mga demonyo at mga unbelievers. Yun ay Gehenna sa Greek. Common din sa misinterpretation kasi kapag sinabing “bumaba sa impiyerno,” akala ngayon ng iba yung impiyerno nasa ilalim ng lupa! Pero hindi ito physical o geographic description. Yung “hell” dito ay galing sa Greek na Hades o sa Hebrew ay Sheol, na meron apat na range of meanings ayon kay Francis Turretin (Institutes 2:362):
Maaari itong tumukoy sa libingan o grave. Sa Psalm 16:10, “Sheol” o “lugar ng mga patay” (ASD). Sa Psalm 49:15, “Sheol” o “kamatayan”
O sa literal na lugar ng impiyerno para sa mga paparusahan ng Diyos. Sa Luke 16:23, yung rich man “in Hades, being in torment,” “habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay” (ASD).
O sa pinakamatinding paghihirap sa buhay. Sa Psalm 18:5, “the cords of Sheol entangled me,” “ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin” (ASD). Sa Psalm 116:3, “Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan, nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan (Sheol); lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan” (MBB).
O sa tindi ng humiliations. Sa Isaiah 14:15, “Ngunit anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay (Sheol)? Sa kalalimang walang hanggan” (MBB)?
So, yung word na “hell” ay hindi natin pwedeng limitahan lang sa common na naiisip natin. Merong range of meanings, depende sa context. So dahil dito, ayon kay Joel Beeke, merong anim na iba’t ibang interpretations itong “descended into hell” (Reformed Systematic Theology, 2:912-925)
Rescuing the ancient fathers from limbo. Isa si Thomas Aquinas sa nagturo ng ganito. Meron daw kasing five regions yung afterlife. Bukod sa heaven, merong hell proper. Sa atin, we believe na ‘yang dalawa lang. Pero aside from heaven and hell, meron pa raw limbo para sa mga batang namatay na hindi nabinyagan, meron ring purgatoryo, para sa paghahanda sa kaluluwa na malinis sa kasalanan bago makapunta sa langit, at yung limbo para sa mga Old Testament saints or believers. Kaya lang, walang biblical support itong paniniwala na ‘to, at yung ginawa raw ni Jesus after niyang mamatay na dun siya sa limbo bumaba para i-rescue yung mga OT fathers.
Giving the unconverted dead a second chance. Parang ang ginawa ni Jesus ay evangelism sa mga namatay na, para bigyan sila ng second chance. Posible raw ito ayon kay Clement of Alexandria at Augustine, pero kulang rin sa biblical support. Yung statement sa 1 Peter 3:19 na “nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo” at sa 1 Peter 4:6 na “ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay” ay “too ambiguous” para magbigay suportang sa paniniwalang ito. Kung magtuturo man tayo ng doktrina na dapat paniwalaan paniwalaan ng mga Cristiano, dapat nakabatay ito sa mas malinaw na mga teksto.
Suffering in hell for our sins. Ganito ang paniwala ng Roman Catholic theologians na sina Nicholas de Cusa (1401-1464) at Hans Urs von Balthasar (1905-1988), pati na ng mga kilalang Word of Faith teachers tulad nina Kenneth Copeland at Joyce Meyer. Pero, contrary sa paniwalang ito, sapat na ang ginawa ni Cristo sa kanyang kamatayan sa krus bilang handog na kabayaran sa mga kasalanan natin (Heb. 10:10, 14).
Conquering Satan after dying on the cross. Ganito ang nakasaad sa Lutheran Formula of Concord: “The entire person [of Christ], God and human being, descended into hell after his burial, conquered the devil, destroyed the power of hell, and took from the devil all his power.” Pero medyo speculative ‘yan. Ang kamatayan ni Cristo ang gumapi sa kapangyarihan ni Satanas (Col. 2:14-15; Heb. 2:14).
Suffering spiritual anguish on the cross. So, yung “hell” ay metaphorical sa tindi ng suffering na dinanas ni Cristo. Ganito ang paliwanag nina Luther, Calvin, at Ursinus na main author ng Heidelberg Catechism. Kaya yung sagot sa Question 44 (Bakit idinagdag ang katagang, "nanaog siya sa impiyerno"?) ay ganito: “Upang sa gitna ng aking matinding pighati at mga tuksong hinaharap, ako ay makatiyak at maaliw sa katotohanang ang aking Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng Kanyang hindi maisalarawang hapis, sakit, takot, at paghihirap na kanyang tiniis sa lahat ng kanyang pagdurusa at mas higit pa noong siya ay nasa krus, ay iniligtas na niya ako mula sa hapis at pagdurusa ng impiyerno.”
Dying and dwelling in the state of death. Ito naman ang interpretasyon ng iba pang mga Reformed theologians at yung ilang mga books ngayon na isinulat tungkol sa Apostles Creed (Michael Bird, JI Packer, etc.). Kasi nga raw yung “hell” ay hindi Gehenna kundi Hades o Sheol. So si Cristo ay namatay, inilibing, at nanatili sa kalagayan ng kamatayan nang ilang araw bago siya muling nabuhay. Ganito naman ang sagot ng Westminster Larger Catechism sa Question 50 (“Wherein consisted Christ’s humiliation after his death?”): “Christ’s humiliation after his death consisted in his being buried, and continuing in the state of the dead, and under the power of death till the third day; which hath been otherwise expressed in these words, He descended into hell.”
Sa anim na ito, posibleng ang tamang pagkakaintindi nitong “descended into hell” ay yung kombinasyon ng huling dalawa. Sabi ni Turretin. “Both can be admitted and be made to agree perfectly with each other. Thus by the descent into hell may be understood the extreme degree of Christ's suffering and humiliation, both as to soul and body; and as the lowest degree of humiliation as to the body was its detention in the sepulcher, so as to the soul were those dreadful torments he felt” (2:363).
Totoo nga naman na nanatili si Jesus sa “state of death” bago siya mabuhay na muli (Acts 2:24; Psa. 16:10), at hindi siya literally nagpunta sa impiyerno dahil sinabi niya sa nakapakong kasama niya na, “Today you will be with me in paradise,” saka yung sinabi ni Jesus sa prayer niya na “Father, into your hands I commit my spirit” (Luke 23:43, 46). We don’t have time to look at other relevant passages, at hindi naman natin talaga malalaman yung original intent and meaning ng nagdagdag nito sa Creed. Pero mahalagang malaman natin, tulad ng sabi ni Beeke:
The Scriptures use the language of "descent" and"hell" figuratively to describe Christ's sufferings, death, and burial as the nadir of his rejection under God's wrath and humiliation before his enemies, from which God delivered him in his resurrection. The word hell vividly communicates the sorrows inflicted upon Christ as he died in the place of his people. Therefore, the Holy Scriptures warrant the adoption of a combination of the fifth and sixth interpretations listed above: Christ's descent into hell consists of his extreme humiliation in both soul and body, climaxing for his soul in the suffering of God's wrath on the cross and for his body in death under God's curse, burial, and continuation in death for a time. (2:923)
So, ano ngayon ang kahalagahan nito sa atin? Kung totoo na ganito kababa at ganito kasaklap at ganito katindi ang sinapit ng Panginoong Jesus alang-alang sa pagliligtas sa ‘yo, ano pa ang katatakutan mo? Matatakot ka pa ba na baka bawiin ng Diyos ang pagpapatawad sa ‘yo at ilagay ka ulit sa kahatulan kung inako na ni Jesus ang lahat-lahat sa parusa na nararapat para sa ‘yo? Anong paghihirap pa, anong kabigatan pa sa buhay, anong kamatayan pa ang pangangambahan mo? “It should be a comfort to us in our torment that there is no hell we can face greater than the one Christ endured; that there is no one better to sympathize with our hellish moments than Christ; and that there is no one else able to save us from the wrath of God than He who has faced it already” (Kevin DeYoung).

Jesus’ Resurrection

Good news ang kamatayan ng Panginoong Jesus hindi dahil lang sa namatay siya. Good news yun dahil hindi siya nanatiling patay. Walang saysay ang lahat kung hindi siya muling nabuhay. Kaya nga sweet words, kahit sa simula ay hirap paniwalaan ng mga disciples niya, yung narinig nila mula sa anghel na nasa libingan ni Jesus, “Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli” (Mark 16:6 ASD)!
Nakita si Jesus ng mga disciples niya. Maraming nakakita sa kanya. Hindi ito pwedeng gawa-gawa lang dahil wala namang nakitang dead body na magpapatunay na hindi siya muling nabuhay. Pati yung mga authorities ay gumawa ng kuwento para sabihing ninakay ang bangkay niya. Yung resurrection event ay miraculous, yes, pero ito rin ay isang historical event. This gospel is good news dahil ito ay totoong nangyari sa kasaysayan bilang katuparan ng plano at pangako ng Diyos to accomplish our salvation. Ito ang Magandang Balita na saligan ng ating pananampalataya na kailangan nating laging alalahananin (1 Cor. 15:1-2):
Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol. Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin… (1 Cor. 15:3-8 MBB)
Ito ang good news na dala-dala natin sa mga tao, si Cristo’y namatay at muling nabuhay, tulad ng sabi ni Pablo sa isang sinagoga sa Antioch of Pisidia, “Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno ay tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus” (Acts 13:32-33 MBB). Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay isa pang patunay na wala tayong ginawa o naiambag sa kaligtasan natin. Gawa ito ng Diyos, the Lord is our salvation—Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu. Sino ang bumuhay kay Jesus mula sa mga patay? Ang Diyos Ama, “siya’y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan” (Acts 2:24); “binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama” (Rom. 6:4). Ang Diyos Anak mismo ang bumuhay sa sarili niya, “Mayroon akong kapangyarihang ibigay [ang aking buhay] at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli” (John 10:18). At ang Espiritu “ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo” (Rom. 8:11; 1:4).
Our salvation is wholly the work of the triune God. Ang resurrection ni Cristo ay wholly the work of the triune God din. Kung hindi nangyari ang muling pagkabuhay, walang saysay ang kanyang kamatayan, wala tayong kaligtasan, walang basehan ang pananampalatayang Cristiano, walang saysay ang buhay natin, wala tayong pag-asa, tayo na ang pinakakawawang tao sa buong mundo dahil naniniwala tayo sa wala kung fake news lang pala ang resurrection (1 Cor. 15:17-19).
“Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo” (1 Cor. 15:20).
Kaya napakahalaga na tama ang pagkakilala natin kay Cristo. Sabi nga ni Ben Myers, dahil siya ay totoong tao na tulad natin, at kailangan siyang maging tao tulad natin, kaya siya namatay rin na tulad natin na mamamatay rin. Dahil siya ang Anak ng Diyos, tunay na Diyos rin, nalulukuban niya ang kamatayan ng presensiya niya upang ang libingan ay maging pinanggagalingan ng buhay. Kay Cristo, ang namatay ay naipagkakaisa sa Diyos at nagkakaroon ng panibagong buhay. Ang resurrection ay hindi lang isang isolated miracles na nangyari kay Jesus. Ito rin ay isang bagay na nangyari sa atin—kay Adan at Eba, sa akin, sa buong sangkatauhan. “As Jesus rises, the whole of humanity rises with him” (Ben Myers, The Apostles’ Creed, 82).
Regeneration. Dahil si Jesus ay muling nabuhay kasi tayo na mga spiritually dead dati ay nagkaroon ng buhay, na-born again. “Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo” (1 Pet. 1:3 ASD). “Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway” (Eph. 2:5 MBB). ‘Yan din ang pag-asa natin sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan natin (1 Pet. 1:23).
Justification. Dahil muling nabuhay si Jesus, tayo ngayon na sumasampalataya sa kanya ay hindi lang pinatawad ang mga kasalanan kundi itinuring rin na matuwid sa harap ng Diyos. Tulad ni Abraham, “Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid (ESV, for our justification)” (Rom. 4:24-25 ASD).
Sanctification. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay para sa sarili nating discipleship at pagdidisciple natin sa iba. Dahil muling nabuhay si Jesus, hindi na tayo paaalipin pa ulit sa kasalanan.
Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus. (Rom. 6:9-11 MBB)
Dahil si Jesus ay muling nabuhay, meron na tayong kapangyarihan para labanan ang mga natitira pang kasalanan sa atin. Oo, maraming beses parang talunan ka—kung nagiging addict ka sa porn, kung natutukso ka sa hindi mo asawa, kung bumabagsak ka sa paggamit ng pera, kung nagsisinungaling ka sa mga tao sa paligid mo. Pero ang good news ng resurrection ay may kapangyarihan para baguhin ka. If you don’t believe that, tanungin mo ang sarili mo kung naniniwala ka ba talaga na si Jesus ay muling nabuhay.
Ministry and Suffering. Dahil si Jesus ay muling nabuhay, patunay ‘yan na he is Lord of all. Ang buhay natin ay hindi lang galing sa kanya; ang buhay natin ay para sa kanya. Anumang meron tayo ay ibibigay natin at dapat nating ibigay sa paglilingkod sa kanya at sa kanyang iglesya. Sabi ni Michael Bird, itong resurrection ang magmomotivate sa atin to risk all for the ministry: “Kung iniisip mong maglingkod bilang misyonero, o idagdag ang pangalan mo sa listahan ng mga committed members ng church, o magsanay na magpreach, o maging Sunday school teacher, o makatulong para mahinto ang sex trafficking (o magbigay ng malaki sa financial needs ng church, o magserve as elders or deacons sa church), then do it, and here’s the reason why: the resurrection moves us to take risks for God because the resurrection proves that God is behind us, for us, and with us.”
God is behind us, for us, and with us. All the way. Hanggang sa dulo. Lahat tayo mamamatay, pero dahil muling nabuhay si Jesus, hindi na natin dapat katakutan ang kamatayan. “...now we can face death knowing that when it comes we shall not find ourselves alone. He has been there before us, and he will see us through” (JI Packer).
Glorification. Kapag tayo’y namatay, ang katawan natin ay ililibing at mabubulok. Pero ang kaluluwa natin ay mapupunta diretso sa presensiya ng Diyos sa langit (kung tayo’y tunay na sumasampalataya kay Cristo na siyang namatay at muling nabuhay). But that is not the end of our story. Babalik si Cristo, lahat ng mga patay ay muling bubuhayin. Tayong mga nakay Cristo ay muling bubuhayin to spend everlasting life with him. Dahil muling nabuhay si Jesus, sigurado tayong lahat ito ay mangyayari. Siya yung “firstborn from the dead” (Col. 1:18; also Rev. 1:5), ibig sabihin tayo naman ang susunod. Sa isang salita lang ni Cristo, lahat ng mga patay ay mabubuhay (John 5:25). Ang Espiritu na nagbigay ng buhay sa patay na katawan ni Jesus ay nananahan sa atin at siya ring magbibigay ng buhay sa mga katawan natin (Rom. 8:11). Ang muling pagkabuhay ni Jesus “ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas” (1 Pet. 1:3-4 ASD).
Kung ‘yan pala ang pag-asa natin, ang hinaharap natin, ang naghihintay sa atin, anong nangyayari sa buhay mo ngayon o mangyayari sa ‘yo ang katatakutan mo? Kapatid, dahil muling nabuhay si Cristo, your salvation is sure. Your entire salvation—past, present and future. Walang anumang kasalanan, sakit, hirap, kasamaan, pandemya, o kamatayan ang magtatagumpay laban sa ‘yo dahil si Cristo na namatay at muling nabuhay ay para sa ‘yo, kasa-kasama mo, at nasa ‘yo.
Related Media
See more
Related Sermons
See more